Sun, 20 Oct 2019

Tagalog News: Alay Lakad 2019 San Jose, target makalikom ng 1M

Philippine Information Agency
19 Jul 2019, 22:38 GMT+10

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hulyo 19 (PIA) -- Sisikapin ng bagong pamunuan ng Alay Lakad San Jose na makalikom ng P1 milyon sa pagdaraos nito ngayong taon.

Ang target na halaga ay pinanukala ni Board Member Diana Tayag, Chairperson ng aktibidad ngayong 2019, at gagamitin sa scholarship program para sa mga mahihirap subalit karapat-dapat na mga kabataan ng San Jose.

Sa ginanap na organizational meeting kahapon, sinabi ni Tayag na kumpiyansa siyang maaabot ang nasabing halaga kung magtutulungan ang lahat ng komite at mga stakeholder.

Aniya, isa sa mga hakbang na maaring gawin ay ang paghikayat ng mas maraming indibidwal at grupo upang maging sponsor o kaya'y magbigay ng pledges, na sinangayunan naman ng mga dati nang nanguna sa proyekto.

"Gamitin din natin ang social media sa pagkumbinse sa mga kababayan nating nasa ibang bansa na suportahan ang Alay Lakad," saad pa ni Tayag.

Paliwanag naman ni Ricarte Aguilar, Municipal Treasurer at tagapamuno ng Finance Committee ng Alay Lakad 2019, bukod sa sponsorship, inaasahang mapupunuan ng mga kontribusyon ng iba't ibang stakeholders ang pondong nais makamit ng pamunuan.

"Ang pagkakaalam ko nga d'yan, kahit mga estudyante at teacher ay nagbibigay ng donasyon," pahayag ng Municipal Treasurer.

Ang Alay Lakad San Jose ay taunang aktibidad na idinaraos tuwing unang Linggo ng Setyembre.

Samantala, sa ginanap ding pulong ay tinanggap ni Konsehal Myrna Zapanta ang Vice-chairmanship ng Alay Lakad 2019. Nangangahugan ito na si Zapanta ang tatayong tagapamuno ng aktibidad sa 2020. Batay kasi sa panuntunan, ang nahirang na vice chairperson sa kasalukuyang taon ay awtomatikong magsisilbi bilang Chairperson ng Alay Lakad sa kasunod na taon. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Sign up for Silicon Valley News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!