Sun, 08 Dec 2019

Tagalog News: Mga Bulakenyo, prayoridad sa trabaho sa NMIA

Philippine Information Agency
21 Nov 2019, 04:38 GMT+10

LUNGSOD NG MALOLOS, Nobyembre 20 (PIA) -- Uunahing kuhanin bilang mga manggagawa ang mga Bulakenyo para sa nalalapit na pagtatayo ng 735 bilyong pisong New Manila International Airport o NMIA sa bayan ng Bulakan.

Iyan ang tiniyak ni San Miguel Holdings Corporation o SMHC Chief Finance Officer at Treasury Head Raoul Eduardo Romulo nang magpaliwanag siya sa estado ng proyekto sa ginanap na Bulacan Investment Forum na inorganisa ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry sa lungsod ng Malolos.

Aniya, hindi sila kukuha ng iba hangga't may Bulakenyong kwalipikado na maging manggagawa para sa proyekto.

Ipinaliwanag pa ni Romulo na malaki ang bilang ng mga kailangang mga propesyunal at skilled workers dahil hindi lamang mismong paliparan ang itatayo. Kasabay nito ang konstruksyon ng NMIA Airport Expressway at pagpapahaba ng Skyway Stage 3.

Base sa iprinisintang plano, may walong kilometrong elevated NMIA Airport Expressway ang itatayo mula sa 2,500 ektaryang paglalagyan ng paliparan hanggang sa North Luzon Expressway o NLEX sa bandang Marilao.

Pahahabain din ang itinatayong Skyway Stage 3 mula sa NLEX-Balintawak hanggang NMIA sa Bulakan sa pamamagitan nang pagtawid sa mga kailugan ng Tullahan at Muzon.

Iba pa rito ang express train na itatayo rin mula sa NMIA hanggang sa lungsod ng Quezon at pagpapahaba ng MRT 7 mula San Jose Del Monte hanggang Bulakan.

Ayon sa nilagdaang konsesyon sa pagitan ng Department of Transportation at ng San Miguel Aerocity Inc. na pag-aari ng SMHC, ang lahat ng ito ay gagastusan ng nasabing kumpanya bilang konsesyonaryo sa pagdisenyo, konstruksyon at pamamahala ng NMIA sa susunod na 50 taon.

Samantala, target magsimula ang full operation ng NMIA sa taong 2026 kung saan magagamit ang apat na mga runways na ang haba ay mula 2.6 hanggang 3.5 kilometro at passenger terminal building na may lapad na 16.5 na ektarya. Idinisenyo ito upang makapaglulan ng 60 mga malalaking eroplano kada oras. (CLJD/SFV-PIA 3)

More San Jose News

Access More

Sign up for Silicon Valley News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!