Fri, 07 May 2021

Tagalog News: Higit 76M, laan ng DSWD sa SC social pension sa OccMin

Philippine Information Agency
04 May 2021, 22:38 GMT+10

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mayo 4 (PIA) -- Kabuuang P76,647,000 ang pondong nakalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa social pension ng 25,549 indigent senior citizens (SCs) ng lalawigan.

Ayon kay Florejean Obra, focal person ng DSWD Social Pension Program sa probinsya, ang mga nasabing nakatatanda ay tatanggap ng tig-P3,000 bawat isa bilang pensyon para sa mga buwan ng Enero hanggang Hunyo.

Ang mga kwalipikadong benepisyaryo para sa programang ito ng DSWD ay mga senior citizen na itinuturing na 'higit na nangangailangan'.

"Sila po iyong walang natatanggap na pensyon mula Government Service Insurance System (GSIS) o Social Security System (SSS) at wala ring kaanak na tumutulong," paliwanag ni Obra. Kailangan aniya ng mga ito ng ayuda ng pamahalaan upang magamit sa kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng pambili ng pagkain at gamot.

Nakapamahagi na ng pensyon ang DSWD sa bayan ng Rizal na may 1,877 benepisyaryo, Mamburao (1,903), Sta Cruz (2,338), Abra de Ilog (1920) at Paluan (1,119). Nakatakda namang mabigyan ng pensyon ang may 1,587 na indigent senior citizens ng Calintaan sa May 6-8, 2021.

"Bahagyang maaantala ang pamamahagi ng pensyon sa mga bayan ng Magsaysay, Looc, Lubang, Sablayan at San Jose dahil hinihintay pa ang pagbaba ng pondo para sa mga ito," ayon pa sa tagapagsalita ng DSWD Social Pension Program sa lalawigan.

Panawagan naman ni Obra sa mga SC na hangad makabilang sa social pension program, sakaling ma-validate at makapasa bilang benepisyaryo, isusumite muna ang kanilang dokumento sa DSWD Central Office. "Kaya sana, hintayin po natin ang tugon ng central office. Minsan po ay matagal ang pag-proseso nito dahil mga benepisyaryo sa buong bansa ang inaasikaso ng central office", pakiusap pa ni Obra.

Para sa may mga katanungan o problemang nais isangguni, sinabi din ni Obra na maaring makipag-ugnayan ang mga benepisyaryo sa Office for the Senior Citizen's Affair (OSCA) o sa Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) ng kanilang bayan. Maari ding magsadya sa tanggapan ng DSWD Occidental Mindoro, malapit sa Barangay Hall ng Poblacion Barangay 7, bayan ng San Jose. (VND/PIA MIMAROPA)

More San Jose News

Access More

Sign up for Silicon Valley News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!